Apat pang mga labi ang natagpuan ng mga otoridad sa ika-4 na araw ng search and retrieval operations sa baybayin ng Tarangnan, Samar.
Ayon kay AFP Joint Task Force Storm Spokesperson Cpt. Ryan Layug, kabuuang anim na katawan na ng mga sinasabing myembro ng New People’s Army (NPA) ang narerekober matapos nilang maka engkwentro noong Lunes.
Sinabi ni Cpt. Layug na nakatanggap ng tawag ang Tarangnan Municipal Police Station mula sa isang residente kung saan may dalawang katawan ang palutang-lutang sa Brgy. Baras, Tarangnan, Samar.
Agad namang nagkasa ng search and retrieval operation ang mga awtoridad kung saan dalawang bangkay ng lalaki ang natagpuan.
Kahapon din natagpuan ang bahagi ng isang tao sa Brgy. San Vicente, Libacun Daku, Tarangnan kung saan dinala ito sa SOCO para sa post mortem examination bago ilibing.
Samantala, sa isla naman ng Sto Niño, Samar narekober ang isa pang labi ng isang babae ng mga mangingisda.
Una nang narekober ang labi ng isang lalaki at lower part ng katawan ng babae noong mga nakalipas na araw.
Sa ngayon, tatlong labi ng lalaki, dalawang babae at isang ‘di pa matukoy ang kasarian ang narekober ng mga awtoridad.
Matatandaang noong Lunes nang makasagupa ng tropa ng militar ang umano’y 10 miyembro ng NPA sa Samar kung saan sinasabi pa na sakay ‘di umano nito ang mag-asawang lider ng CPP-NPA-NDF na sina Benito at Wilma Tiamzon ngunit hindi muna ito kinumpirma o itinanggi ng militar hangga’t hindi narerekober ang mga labi ng mag-asawa.