4 sa 20 kandidato sa storage temperature requirement para sa bakuna kontra COVID-19, tukoy na ng pamahalaan

Photo Courtesy: Department of Health

Kinumpirma nina Health Secretary Francisco T. Duque III at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., na 5-million doses ng bakuna ang maaaring ilagak sa Cold Storage Management and Logistics warehouse ng UNILAB sa Biñan, Laguna.

Sa kanilang inspeksyon kanina, tiniyak nina Duque at Galvez na pasado ang nasabing storage warehouse sa temperature requirement na +2 hanggang +8 Celsius.

Maging ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) anila ay pasok din sa kaparehong temperature requirement.


Binisita rin ng nasabing mga opisyal ang Zuellig Pharmaceutical Corporation sa Parañaque na gagamitin ding cold storage facility para sa COVID-19 vaccines.

Ayon kay Zuellig Chief Executive and Area Director Maikel Kujipers, gagamitin din nila ang kanilang storage facilities sa Cebu at Davao.

Kinumpirma naman ni Sec. Duque na sa 20 kandidato, 4 na ang pumasa sa storage criteria.

Inihayag naman ni Galvez sa sandaling matapos na ang mga kasunduan sa pagbili ng bakuna, makikipag-ugnayan sila sa local government units para maturuan ang mga ito sa pagpapatupad ng vaccination program hanggang sa mga barangay.

Nilinaw naman ni Sec. Galvez na patuloy pa rin ang negosasyon hinggil sa halaga ng mga storage.

Tiniyak naman ng Department of Health (DOH) na masusi nilang ipapaliwanag sa health care workers at maging sa publiko kung gaano kaligtas ang bakuna at kung ano ang magiging benepisyo nito.

Facebook Comments