Aabot sa 40 Bureau of Immigration (BI) personnel na idinadawit sa ‘Pastillas’ money-making scheme ang kinompronta ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, mismo ang Pangulo ang nagpatawag sa mga immigration personnel na humarap sa kanya sa Malacañang.
Ang mga nasabing BI personnel ay nasuspinde na ng Office of the Ombudsman.
Dagdag pa ni Guevarra, nais pa ni Pangulong Duterte na bigyan ang mga ito ng ‘dressing gown.’
Sa maikling pulong, binigyan ni Pangulong Duterte ng pastillas ang bawat BI personnel.
Nalaman ni Guevarra na may lamang pera sa loob ng mga pastillas at gusto ng Pangulo na ipanguya at ipakain sa mga sangkot na tauhan ng immigration.
Sa halip ay hiniling ng Pangulo sa mga BI personnel na ibigay ang pera sa mga kapos-palad.
Sinabi pa ng Pangulo sa mga BI personnel na naisampa na ang kaso laban sa kanila at kailangan nilang harapin ang mga ito.
Bukod kay Guevarra, present din sa meeting sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Senator Christopher Go, Immigration Commissioner Jaime Morente, at National Bureau of Investigation Officer-in-Charge Director Eric Distor.
Sa ilalim ng ‘pastillas’ scheme, ang pera ay nakarolyo sa isang puting papel na tila kagaya ng isang pastillas na ipinapa-abot sa BI personnel kapalit ng pagpasok ng ilang dayuhan lalo na ng mga Chinese nationals.