Tinatayang 40 pamilya na naapektuhan ng Bagyong Jolina ang nabigyan ng tulong ng Philippine Red Cross (PRC) Batangas Chapter.
Ayon sa PRC, nakatanggap ng non-food relief packs ang mga pamilya mula sa Brgy. Calayo, Nasugbu, Batangas nitong Setyembre 13.
Kabilang sa mga ipinamahagi ang hygiene at sleeping kits, cooking utensils at tarpaulins na magsisilbing bubong at pader ng mga pamilyang lubhang napinsala ng Bagyong Jolina.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Senator Richard Gordon, bukod sa pagkain ay mas kailangan din ng mga biktima ang hygiene kits dahil ang ilan dito ay walang naisalba bukod sa pamilya nila.
Dagdag pa ni Gordon, rumesponde rin ang PRC Cagayan at Batanes Chapters sa kanilang mga lugar.
Mananatili naman ang pagbibigay serbisyo ng PRC sa mga biktimang lubhang naapektuhan ng bagyo sa gitna ng pandemya.