Cauayan City, Isabela- Apatnapung (40) miyembro ng Regional Health Service 2 (RHS2) ng Police Regional Office (PRO2) ang kauna-unahang naturukan ng Sinovac vaccine sa buong rehiyon.
Ang ginanap na pagbabakuna ay may temang “Siguradong Proteksyon, Magpabakuna Ka,” na pinangunahan ni Dr. Rio Magpantay, Regional Director ng Department of Health Region 2.
Ikinatuwa naman ng pinuno ng RHS2 na si Police Colonel Jonard De Guzman dahil sa pagpili sa kanilang yunit na unang mabigyan ng bakuna kontra COVID-19.
Si PCol De Guzman naman ang kauna-unahang pulis na naturukan ng Sinovac vaccine sa buong PRO2 na sinundan ng 39 pang mga pulis.
Pinasalamatan din ng Hepe si Police Brigadier General Crizaldo Obispo Nieves dahil sa pagbibigay nito ng suporta sa mga kasapi ng RHS2 na unang mabigyan ng bakuna.
Inaasahan naman sa ika-10 ng Marso ay darating na ang ikalawang batch ng Anti-COVID19 vaccine para sa PRO2.
Mula sa 10,800 vials ng Sinovac vaccine na tinanggap ng Regiyon dos noong ika-5 ng Marso, limampu’t siyam (59) na vials ang ibinigay sa RHS2 nitong ika-6 ng Buwan.