400 dump truck na basura nahakot sa Manila Bay

Manila, Philippines – Nasa kabuuang 3,018 cubic meters ng mga basura at burak ang nakolekta ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula sa Roxas Boulevard at mga kalapit na estero sa loob ng halos apat na buwan.

Ito ay bilang bahagi pa rin ng Manila Bay Rehabilitation Project.

Sa summary ng accomplishment mula Enero 27 hanggang Mayo 17, sinabi ng MMDA Flood Control and Sewerage Management Office na katumbas ito ng 400 dump trucks na mga basura at burak ang nahakot sa Manila Bay.


Kasama sa mga nilinis ay ang Estero San Antonio de Abad, Tripa de Gallina, Padre Faura drainage main, Remedios drainage main at iba pang esterong nakakonekta sa Manila Bay.

Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, bago pa man ilunsad ang Manila Bay Rehabilitation Project ay nagsasagawa na ang mga tauhan ng ahensya ng clean-up operations sa mga estero sa Kamaynilaan.

Matatandaang inilunsad noong Enero 27 ang Manila Bay rehabilitation sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung saan target ng proyekto na malinis at masigurong walang basura ang Manila Bay at paligid nito sa pamamagitan ng dredging at desilting.

Facebook Comments