4,000 pulis sa Metro Manila, ipakakalat para sa pagsisimula ng local campaign

Tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang kahandaan sa pag-arangkada ng panahon ng kampanya para sa lokal na halalan bukas, March 25.

Ayon kay NCRPO Director, Police Maj. Gen. Felipe Natividad, nasa 4,000 pulis ang kanilang ipakakalat para siguruhing magiging maayos at mapayapa ang pangangampanya.

May itinalaga rin aniya silang reserved force na maaaring ipakalat sakaling kakailanganin ang dagdag na pwersa.


Aminado si Natividad na malaking hamon sa kanila ang panahong ito ng kampaniya dahil bukod sa kailangan nila itong panatilihing maayos at mapayapa, mahigpit din ang utos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ipatupad pa rin ang minimum health protocols kontra COVID-19.

Sa ilalim ng Commission on Elections (COMELEC) guidelines, bawal pa rin para sa mga kandidato ang makipagkamay, makipag-selfie at magsagawa ng siksikang campaign rally kahit pa nasa Alert Level 1 sa Metro Manila.

Bukod sa peace and order ngayong panahon ng halalan, tiniyak din ni Natividad na nakatutok din ang NCRPO sa pagpapaigting kontra Iligal na droga at krimen.

Facebook Comments