Libreng ipapamahagi ni Manila Mayor Isko Moreno ang 40,000 na supply ng Molnupiravir, isang oral pill kontra COVID-19.
Dumating noong Martes, Nobyembre 23, ang 40,000 na supply ng Molnupiravir, isang uri ng oral pill kontra mild hanggang moderate na kaso ng COVID-19.
Ayon sa statement ng lokal na pamahalaan ng Maynila, dinala ang unang batch sa Sta. Ana Hospital dahil sa mayroon itong sapat na imbakan ng mga gamot.
“Ito ay isang capsule or isang oral medication na pinaniniwalaan ng maraming doctor, plus of course, science will agree with it na ito ay makakatulong para mailigtas, madagdagan ng proteksyun sa kalusugan,” pahayag ni Moreno sa isang special broadcast sa kanyang Facebook Page.
“Ipagkakaloob namin ng libre. Libre ‘yan tulad sa remdesivir at tocilizumab,” Dagdag ni Moreno.
Tiniyak ni Aksyon Demokratiko Presidential Aspirant at Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso na libreng ipapamahagi ang Molnupiravir sa mga residente mula sa loob at labas ng Maynila.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ito ay nakakatulong na bawasan ang malalang sintomas ng COVID-19. Nabatid na lumabas sa mga clinical trials na 81% ng 1,200 mild cases ang nagnegatibo sa RT-PCR test limang araw pagkatapos gamitin ang nasabing gamot.