405 na pangalan na tumanggap ng confidential funds mula sa mga tanggapan ni VP Sara, wala sa record ng PSA

Walang record sa Philippine Statistics Authority o PSA ang 405 sa 677 na pangalan na nakasaad sa mga acknowledgement receipts na tumanggap ng confidential funds mula sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Manila 3rd District Representative Joel Chua, base ito sa request nilang certification mula sa PSA.

Inihayag ito ni Chua sa nagpapatuloy ngayon na ika-walong pagdinig ng pinamumunuan niyang House Committee on Good Government and Public Accountability ukol sa kwestyunableng paggastos sa confidential funds ng OVP at DepEd.


Magugunitang unang ipinabatid ng PSA sa komite na wala rin sa record nito na may ipinanganak, ikinasal o namatay na Mary Grace Piattos at Kokoy Villamin na pareho ding nasa liquidation documents na isinumite ng OVP at DepEd sa Commission on Audit (COA).

Facebook Comments