42 barangay officials, nahaharap sa reklamo dahil sa anomalya sa cash aid distribution

Umakyat na sa apatnapu’t dalawa (42) ang mga opisyal ng barangay na nahaharap sa reklamo sa Department of Justice (DOJ) dahil sa anomalya sa distribusyon ng Social Amelioration Program (SAP).

Ito ay halos 80% na pagtaas kung ihahambing sa unang 23 na sinampahan ng kasong kriminal.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, karamihan sa mga reklamo sa SAP ay tungkol sa paghahati-hati o splitting ng ayuda, at ang paghingi ng komisyon sa kada pamilyang benepisyaryo.


Kabilang sa binanggit na inaakusahan ng splitting ng SAP ay si Barangay Captain Gary Remoquillo ng San Pedro City, Laguna.

Kasama rin ang mga opisyal ng barangay ng Batang, Irosin, Sorsogon na sina Punong Barangay Omar Guban, Junel Guban at Barangay Health Worker (BHW) Girlie Prejas.

Babala ng kalihim, hindi titigil ang Philippine National Police (PNP) hangga’t hindi mapapanagot sa batas ang mga tiwaling barangay official.

Ipinagkatiwala na ng DILG Chief sa PNP Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso upang mapabilis ang pagpaparusa sa mga inirereklamong opisyal ng barangay.

Ang mga barangay official naman na nahaharap sa kasong administratibo ay sisilbihan ng show cause order.

Facebook Comments