43-anyos na Indian researcher, pinatay habang nagjo-jogging sa US

HOUSTON, Texas – Patay na nang matagpuan ang 43-anyos na Indian researcher na umano’y pinatay habang nagjo-jogging sa Plano, kalapit ng Dallas.

Nagsagawa na ng imbestigasyon ang pulisya ayon sa ulat ng media reports sa pagkamatay ni Sarmistha Sen na biglaan umanong inatake habang nasa gitna ng pagtakbo noong Agosto 1 sa Chisholm Trail Park.

Natagpuan ng isang nagdaraan ang katawan ni Sen habang nakahandusay sa isang sapa malapit sa Legacy Drive at Marchman Way.


Batay sa report ng Dallasnews.com, inaresto na ng burglary charge ang person of interest sa nangyaring krimen.

Kinilala ang 29-anyos na si Bakari Moncrief na noo’y sinampahan ng $1 million bond sa reklamong pagnanakaw.

Inaalam pa ng awtoridad kung responsable ito sa pagkamatay ng biktima matapos maiulat  ang panghihimasok nito sa isang bahay malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Samantala, hindi pa rin inilalabas ng medical examiner ang dahilan ng pagkamatay ni Sen.

Ayon sa mga kaanak nito, tumatakbo ito tuwing umaga sa Chrisholm Trail bago magising ang kanyang mga anak, ngunit noong Sabado, hindi na raw ito bumalik.

Si Sen ay isang pharmacist at researcher na nakadestino sa US para mag-aral ng molecular biology at kasamang nagtatrabaho ang cancer patients.

Labis naman ang pagdadalamhati ng kanyang mga kaanak matapos ang nangyari.

Facebook Comments