Cauayan City, Isabela- Nasa 43 barangay sa dalawang probinsya sa rehiyon dos ang idineklarang insurgency-free mula sa impluwensya ng Communist Terrorist Group (CTG) base sa ginawang Area Clearing Validation kamakailan ng Community Support Program (CSP) teams ng 5th Infantry Division, Philippine Army.
Kabilang rito ang 23 barangay sa Cagayan at 20 barangay sa Kalinga.
Nawalan na ng suporta sa taumbayan ang grupong West Front Committee (WFC) sa Cagayan at Kilusang Larangang Guerilla (KLG)-Baggas sa Kalinga maging sa mga kaalyadong organisasyon ng prenteng terorista.
Resulta umano ng patuloy na pagsisikap ng kasundaluhan ang nagbigay daan upang malinis ang naturang bilang ng barangay na kinokonsiderang Konsolidado, Kinokonsolidad, Ekspansyon, Rekoberi (KKER) ng komunistang grupo.
Batay sa datos ng 5ID,nasa 388 former rebels ng WFC ang inabandona ng kanilang grupo, 31 sa mga ito ang regular armed members, 170 ang miyembro ng Sangay ng Partido sa Lokalidad, at 187 ang miyembro naman ng magkakaibang Underground Mass Organizations.
Isinuko naman ang siyam (9) na high-powered firearms at labing walo (18) na low-powered firearms.
Samantala, 34 former rebels ng KLG-Baggas ang nagbalik loob sa pamahalaan kasama ang kanilang anim (6) na high-powered firearms.
Dalawa sa mga armadong miyembro ang naaresto, habang tatlo ang napatay sa engkwentro.
Siyam na miyembro naman ng NPA at 20 miyembro ng Underground Movement ang binawi rin ang kanilang suporta sa CTGs.
Dagdag pa rito, ang mga pagsisikap ng Local Government Units, Line Government Agencies, Non-Government Organizations, at iba pang stakeholder ay nagbigay sa tagumpay ng kampanya laban sa insurhensiya sa rehiyon 2 at Cordillera region.
Pinuri naman ni 5ID Commander MGen. Laurence Mina ang pagsisikap ng CPS teams na maalis sa impluwensya ng komunistang grupo ang mga barangay.
Nagpasalamat naman ito sa mga miyembro na binubuo ng Task Force to End Local Communist Armed Conflict (TF-ELCAC) para sa kanilang patuloy na pagsuporta sa mga tao.