444 na Pinoy repatriates mula sa California, sumasailalim na sa quarantine matapos dumating sa bansa

Sumailalim na sa 14-day quarantine ang 444 Filipinos na sakay ng MV Grand Princess na dumating sa Clark International Airport kaninang madaling araw mula San Francisco, California, USA.

Ang nasabing bilang ay bahagi ng ikatlong batch ng mga Pinoy na sumailalim sa repatriation ng gobyerno.

Kasamang dumating ng Pinoy repatriates ang ilang tauhan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sakay ng chartered flight mula sa America.


Ang 438 dito ay pawang mga crew members ng MV Grand Princess at ang 6 naman dito ay mga pasahero na sakay ng chartered flight mula San Francisco International Airport.

Mula sa barko, ang repatriates ay sumailalim sa screening ng U.S. Department of Health at Human Services kabilang dito ang thermal scanning at  iba pang  diagnostics test kung makikitaan sila ng simtomas ng COVID-19.

Samantala ang 13 namang Pinoy crew members na nagpositibo sa COVID-19 ay mananatili sa US at dinala ang mga ito sa health care facility para sa treatment.

Habang ang tatlong Pinoy guests naman ay nanatili rin sa US health facilities dahil nakatira sila sa California, USA.

Facebook Comments