46 na indibidwal, arestado dahil sa pamemeke ng IATF ID para sa quarantine exemption

Nahuli ng Philippine National Police (PNP) ang 46 na indibidwal dahil sa pamemeke ng Inter-Agency Task Force (IATF) ID cards, travel authority, medical clearance certificate at iba pang dokumento para sa exemption sa quarantine protocols.

Inihayag ito ni Joint Task Force (JTF) COVID Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar makaraang ipag-utos ang paghihigpit sa mga ipiniprisintang dokumento para makadaan sa mga Quarantine Control Points (QCP).

Aniya, natuklasan nila ang mga pekeng dokumento matapos magreklamo ang Local Government Units (LGU) sa National Task Force against COVID-19 na marami sa mga umuuwing Locally Stranded Individuals (LSI) ang hindi na nakipag-ugnayan sa kanila at hindi na nila ma-accomodate dahil sa kakapusan ng quarantine facilities at health personnel.


Sinabi ni Eleazar na bago ma-isyuhan ang LSI ng travel authority ng mga local police commanders, dapat ay na-coordinate na ito sa mga LGU na tatanggap sa kanila.

Kaya bilin ni Eleazar sa mga nagmamando ng QCP na busisiing mabuti ang ipiniprisintang travel authority sa kanila para matukoy kung peke o hindi ang mga dokumento.

Facebook Comments