Cauayan City, Isabela-Umakyat na sa 4,697 leftout families ang nabigyan ng tulong pinansyal sa ilalim Social Amelioration Program (SAP)ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 sa buong rehiyon.
Ayon kay Regional Information Officer Jeanet Lozano ng Pantawid Pamilya Program, umabot sa 57,140 ang naitalang bilang ng mga left out beneficiaries sa rehiyon na inaasahang tatanggap ng ayuda batay sa datos na naisumite ng mga Local Government Unit (LGUs).
Aniya, may dalawang paraan ng pagtanggap ng ayuda sa pamamagitan ng direct payout at digital payout katuwang ang financial service providers na ‘StarPay’.
Ibinahagi rin niya ang mga matataas na bilang ng mga napasama sa leftout families gaya ng Cauayan City na 8,955; Aparri 4,859; Aritao 1,443; Cabarroguis 863 at Itbayat sa Lalawigan ng Batanes na 32 lang.
Paliwanag pa niya na ang Cauayan City ay tatanggap sa pamamagitan ng ‘digital payout’ pero di pa matukoy kung kailan ito masisimulan dahil sa DSWD Central Office ang mangangasiwa sa pagbibigay ng ayuda.
Una nang nasimulan ang pamamahagi ng cash assistance ng ahensya nitong nakalipas na na Hulyo 17.