
Hindi pa rin naibabalik ang suplay ng kuryente sa 48 na siyudad at munisipalidad sa Region 6 o Western Visayas matapos tumama ang magnitude 6.9 na lindol noong Sept. 30, 2025.
Sa pinaka huling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa higit kalahating porsyento na sa ngayon ang naibalik ang power supply.
Sa Region 7 o Central Visayas naman ay mayroon pang 17 na siyudad at munisipalidad ang bagsak ang linya ng telekomunikasyon habang nasa walong siyudad at munisipalidad naman ang wala pang suplay ng tubig dahil parin sa epekto ng lindol.
Base pa sa datos ng NDRRMC, 155,094 na pamilya o katumbas ng mahigit 547,000 na indibidwal mula sa 205 na brgys sa Central Visayas ang apektado ng lindol.
Sa nasabing bilang, higit 1,000 ang nasa evacuation center habang ang nasa mahigit 17,000 na katao ay mas piniling tumira sa tent o sa kanilang kaanak.
Nananatili pa rin sa 72 ang official death toll at 559 naman ang nasaktan o nasugatan.









