48 volcanic quakes, naitala sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras

Patuloy na nagbubuga ng puting usok ang Bulkang Taal na bahagi ng gas upwelling nito.

Batay sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), umabot sa 48 volcanic earthquakes ang naitala sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras kabilang ang tatlong phreatomagmatic eruptions.

Nagbuga ang bulkan ng 10,254 toneladang sulfur dioxide simula pa noong Hulyo 2.


Muli namang iginiit ng PHIVOLCS na ipinagbabawal ang pagpasok sa 7 kilometer radius danger zone ng bulkan partikular sa mga high-risk barangay ng Agoncillo at Laurel, Batangas.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang pangingisda sa Taal Lake.

Pinaalalahanan din ng PHIVOLCS ang mga piloto na iwasang dumaan sa Taal dahil sa posibleng pagsabog nito, base surge, volcanic tsunami, ashfall, at nakakalasong gas.

Sinabi naman ni Taal Volcano Observatory Resident Volcanologist Paolo Reniva, na posibleng itaas sa Alert Level 4 ang bulkan kapag nakita ng PHIVOLCS ang high-intensity eruption at pamamaga sa main crater nito.

Facebook Comments