Ilang kalsada, isasara para sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr.

Photo Courtesy: MMDA

Naglabas ng listahan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga isasarang kalsada para sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr., sa Huwebes, Hunyo 30.

Sarado na ang ilang kalsada sa paligid ng National Museum sa lungsod ng Maynila gayun din ang Padre Burgos Avenue na nasa harapan ng pambansang museo ngayong Linggo, Hunyo 26.

Kasabay ding isasara ang mga kalye sa kanto nito, kabilang ang Finance Road, Maria Orosa Street mula TM Kalaw hanggang P. Burgos, at General Luna Street mula P. Burgos hanggang Muralla Street.


Sa mismong araw ng inagurasyon, Hunyo 30, isasara na rin simula alas-4:00 ng umaga ang Ayala Boulevard at ang Victoria Street mula Taft Avenue papuntang Muralla Street.

Muling bubuksan ang mga isinarang kalsada pasado alas-11:00 ng gabi ng Hunyo 30.

Isasara rin sa trapiko ang Roxas Boulevard mula Buendia hanggang P. Burgos mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa Hunyo 30.

Makakapasok ang mga dadalo sa inaugural venue sa 2 entrada sa P. Burgos—sa kanto ng Gen. Luna Street kung galing Roxas Boulevard at Victoria Street kung galing Taft.

Bukod sa paligid ng National Museum, sarado rin simula hatinggabi ng Hunyo 29 hanggang gabi ng Hunyo 30 ang Mendiola Street na malapit sa Malacañang Palace.

Isasara naman simula ala-1:00 ng hapon ng Hunyo 30 ang Legarda Street sa kanto ng Mendiola, mula San Rafael hanggang Figueras Street.

Sarado rin simula alas-4:00 ng umaga ng Hunyo 30 ang Jalandoni Street sa may Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Mananatiling bukas sa araw ng inaugurasyon ang Taft Avenue na nasa isang kanto ng P. Burgos.

Ayon sa MMDA, maaaring daanan ng mga sasakyan bilang alternatibong ruta ang UN Avenue at Kalaw Avenue patungong Roxas Boulevard o Taft.

Padadaanin naman ang mga truck mula South Luzon Expressway (SLEX) sa Osmeña Highway papuntang Quirino Avenue at sa Nagtahan, Lacson, Yuseco, at Capulong patungong Road 10.

Nauna nang sinabi ng MMDA na patuloy ang kanilang clearing operations sa mga magsisilbing alternatibong ruta.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng simulation exercises ng pulisya, bombero, at iba pang ahensyang magbabantay sa seguridad sa mga nalalabing araw bago ang inagurasyon.

Facebook Comments