4Ps, ipinasasailalim ng Senado sa review

Hiniling ni Senator Imee Marcos sa pagdinig ng 2023 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pag-aralan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sa budget deliberation ng Senate Finance Committee sa DSWD, nakwestyon ni Marcos ang mababang bilang ng mga mahihirap na naka-graduate o nakaalis na sa listahan ng 4Ps.

Ayon kay Marcos, mula nang magsimula ang conditional cash transfer program noong 2007 kung saan nakagastos na ang gobyerno ng kabuuang P900 billion, lumalabas na nasa 97,000 lamang ang naka-graduate sa kahirapan mula sa milyon-milyong benepisyaryo ng programa.


Giit ng senadora, mukhang lumalaki lamang ang gastos ng gobyerno sa programa kaya dapat na sumailalim na ito sa review.

Aniya pa, ang napatunayan lamang sa 4PS ay nakakatulong ito para pantawid sa gastusin ng mga mahihirap na pamilya pero hindi ito epektibo para alisin ang isang pamilya mula sa kahirapan.

Kaugnay dito ay ipinauubaya naman ni DSWD Sec. Erwin Tulfo sa mga mambabatas ang pagre-review sa 4Ps.

Aniya, sila sa DSWD ay tagapagpatupad lamang ng 4Ps at ang mga lawmakers naman ang may kapangyarihan para aralin kung sulit pa ba ang programa.

Facebook Comments