Manila, Philippines – Pinayagan ni Budget Secretary Benjamin Diokno ang pagpapalabas ng fourth tranche ng salary increase ng mga kawani ng gobyerno.
Pero, ito ay para lang sa mga kawani ng lokal na pamahalaan at Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC).
Ayon kay House Majority Leader Rolando Andaya Jr. – nakakuha siya ng dalawang circular mula sa Department of Budget and Management (DBM) na pinapayagan ang mga lgu at gocc na magpatupad ng dagdag-sahod sa mga kawani sa ilalim ng Salary Standardization Law.
Sa ilalim ng local budget ciscular no. 118 na pirmado ni Diokno – sa LGU funds kukunin ang pondo para sa dagdag-sahod ng mga LGU personnel.
Habang sa ilalim ng corporate budget circular no. 23, manggagaling sa aaprubahang corporate operating budget ang pondo para sa pay hike ng mga kawani ng GOCC.
Kinumpirma naman ni Diokno ang pagpirma sa mga naturang kautusan.
Ayon kay Andaya, patunay lamang ito na may paraan ang kalihim kung nais talaga nitong ibigay ang dagdag-sahod sa mga empleyado ng gobyerno.
Matatandaang iginiit noon ni Diokno na hindi maipapatupad ang salary hike ng mga government worker hangga’t hindi naaaprubahan ng kongreso ang 2019 proposed national budget.