
Kinumpirma ni acting Philippine National Police (PNP) Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na tuluyan nang binuwag ang limang Area Police Command sa buong bansa.
Ayon kay Nartatez, na dati ring namuno sa Western Mindanao APC, ang pagbuwag ay bunsod ng kautusan ng National Police Commission bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na alisin ang dobleng trabaho sa hanay ng pulisya.
Kabilang sa mga tinanggal na APC ang nasa Northern Luzon, Southern Luzon, Visayas, Eastern Mindanao at Western Mindanao na pawang katuwang ng militar sa mga usaping pang-internal security.
Bilang kapalit, inanunsyo ni Nartatez ang pagbuo ng bagong ‘Task Force DPAG’ na tututok laban sa mga private armed group.
Pangangasiwaan ito ni Deputy Chief for Operations PLtGen. Edgar Alan Okubo, at magtatalaga ng mga sub-task group commanders sa mga dating lugar na sakop ng APC.
Tiniyak pa ni Nartatez na hindi ito ginawa upang makalikha ng panibagong ranggo para sa mga opisyal, kundi upang mas mapalakas ang kampanya kontra armadong grupo.









