Cauayan City, Isabela- Nasampahan na ng kasong paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling ang limang (5) kababaihan na naaresto sa pagsusugal sa Brgy San Carlos, Benito Soliven, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Executive Master Sergeant Joselito Bulan, chief investigator ng PNP Benito Soliven, kinasuhan sa pamamagitan ng inquest proceedings ang limang suspek na sina Rose Sangaribo, 31 anyos, Cristina Panaga, 25 anyos, Judy Ann Viernes, 19 taong gulang, Chona Panaga, 32 anyos at Elizabeth Ilayat, 27 anyos na pawang mga residente ng barangay San Carlos.
Magugunitang nadakip ang mga suspek dakong alas 10:30 ng gabi noong Mayo 15, 2020 habang kasagsagan ng ulan bunsod ng Bagyong Ambo.
Kaugnay nito, sinabi ni PEMS Bulan na nakapagpiyansa rin ang mga suspek ng halagang tig Php15,000.00.
Hiniling naman nito sa kanyang mga kababayan na suportahan ang mga ipinapatupad ng pulisya upang magkaroon at mapanatili ang mapayapang pamumuhay.