Cauayan City, Isabela- Kinumpirma ni Governor Manuel Mamba ang naitalang pagkamatay ng ilang alagang baboy sa barangay ng Barong-barong sa bayan ng Solana; Brgy. Centro, Estefania, Calamagui at La Suerte sa bayan naman ng Amulung, Cagayan.
Ayon kay Gob. Mamba, kumuha na nang blood sample ang Provincial Veterinary Office (PVO) para masuri ang dahilan ng pagkamatay ng mga baboy sa nabanggit na mga barangay.
Dagdag pa ni Mamba, may kumpirmadong kaso naman ng African Swine Fever sa barangay Dagupan sa bayan ng Tuao.
Samantala, inihayag naman ng gobernador ang pamimigay ng tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa mga hograisers na apektado ng pagkamatay ng mga baboy.
Umabot naman sa P3,000-5,000 ang mga ayuda na ipagkakaloob sa mga ito depende sa laki ng baboy.
Asahan na rin umano ang kakulangan ng suplay ng karne ng baboy dahil sa ipinatutupad na total ban sa probinsya.
Giit pa ng opisyal,may ilang grupo ang nakikiusap sa kaniya para sa pagpasok ng mga karne sa mga lugar na ligtas umano ang alagang baboy sa banta ng nasabing sakit.
Una nang ipinagbabawal sa lalawigan ang pagpasok ng mga live hogs, fresh, frozen at processed pork products na manggagaling sa ibang mga probinsya sa rehiyon dos batay sa ipinalabas na executive order no. 24 na may lagda ni Gob. Mamba.