Cauayan City, Isabela- Binigyan ng tulong-pinansyal ng pamahalaan ang limang (5) dating miyembro ng New People’s Army (NPA) na kinabibilangan ng apat na lalaki at isang babae sa Lalawigan ng Cagayan na nagbalik loob sa gobyerno.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Sgt Jake Lopez ng 502nd Infantry Brigade ng 5th ID, Philippine Army sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Ang nasabing tulong pinansyal ay sa pamamagitan ng kanilang isinasagawang Enhanced-Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan katuwang ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.
Nakatanggap ang bawat isa sa limang sumuko ng halagang P65,000 mula sa E-CLIP at plano umano ng mga ito na ibili ng alagang kalabaw at magpatayo ng maliit na tindahan.
Nangako naman ang mga ito na hindi na magpapalinlang sa mga NPA at makikipagtulungan na rin sa anumang programa ng pamahalaan.
Nanawagan rin ang 5 sumuko sa kanilang mga natitirang kasamahan na magbalik loob na rin upang mapakinabangan ang iba’t-ibang programa na inilaan ng gobyerno.
Ayon naman kay Lt/Col. Jesus Pagala, Commanding Officer ng 17th Infantry Battalion, bukas lamang ang kanilang himpilan para sa mga rebeldeng nais sumuko at sila’y nakahandang tulungan upang makapagbagong buhay.