Nakilala ang mga suspek na sina Ariston Camilet, 26 taong gulang, driver; Sanny Camilet, 58 taong gulang, driver ng trailer truck, Necon Ediza, 28 taong gulang; Jerry Norberte, 36 taong gulang at Joel Camilet, 22 taong gulang, helper at pawang mga residente ng Pangasinan.
Ang biktima ay nakilala namang si Joey Chua, may-asawa, negosyante, may-ari ng construction site sa barangay Ballacayu sa nabanggit na bayan habang ang kanyang mga caretaker ay nakilalang sina Shing Hong Ling at Fidel Beltran, 30 taong gulang, residente ng Cabaruan, Cauayan City, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa Cauayan City Police Station, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nitong Pebrero 1, 2022 ay pinagbakasyon umano ni Shing Hong Ling si Beltran.
Pero, habang nakabakasyon si Beltran sa kanyang bahay, tinawagan siya ng kanyang boss na si Chua na bumalik sa pinagtatrabahuang site upang tingnan ang kanilang mga heavy equipment dahil napag-alaman ng kanyang employer na tinangay umano ng mga kalalakihan ang kanilang mga gamit sa construction.
Habang patungo sa construction site si Beltran, nasalubong nito sa may Junction San Mariano-Naguilian ang kanilang mga heavy equipment na isang trailer truck sakay ang loader at isang puting dump truck na may plakang NAV6038 na patungong Cauayan City.
Agad namang inimpormahan ni Beltran ang kanyang employer at humingi ng tulong sa mga pulis na nakabantay sa checkpoint sa may Tagaran, Cauayan City na nagresulta naman sa pagkakahuli ng mga suspek.
Naunang naaresto ang tatlong suspek sa kahabaan ng Cabaruan, Cauayan City habang ang dalawang suspek ay nadakip sa Cabatuan road na sakop ng Brgy. San Fermin sa pareho rin Syudad.
Agad na dinala sa Cauayan City Police Station ang mga suspek maging ang mga tinangay na sasakyan para sa dokumentasyon.
Samantala, sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa isang suspek, inutusan lamang umano sila ng kanilang amo na isang Intsik na kunin ang mga nasabing heavy equipment dahil ang pagkaka-alam umano nila ay kakilala ng kanilang amo ang may-ari ng mga naturang sasakyan kung kaya’t kampante umano silang kunin ang mga nasabing heavy equipment.