5 Katao na Dumalo sa Lamay, Timbog sa Pagsusugal!

Cauayan City, Isabela- Dumagdag sa bilang ng mga nahuhuling nagsusugal sa Lambak ng Cagayan ang 5 katao na kinabibilangan ng isang benepisyaryo ng Social Amelioration Program ng pamahalaan na naaresto sa isang lamayan sa Brgy. Sta. Rosa, Abulug, Cagayan.

Nakilala ang suspek na SAP beneficiary na si Dandy Padua, 38 anyos, magsasaka at residente ng naturang barangay.

Kasama din sa mga naaresto na pawang mga taga Sta. Rosa na sina Vanessa Viernes, 26 anyos, walang asawa, magsasaka; Jay-jay Binua, 23 anyos, walang asawa, magsasaka; Teodorico Gamuela, 40 anyos, may-asawa, magsasaka at Norman Ifurung, 36 anyos, walang asawa, laborer, at residente naman ng Brgy. Tabba, Pamplona, Cagayan.


Una rito, nakatanggap ng sumbong ang himpilan ng pulisya mula sa isang concerned citizen kaugnay sa nagaganap na pagsusugal (biyaya) ng mga suspek sa nabanggit na lugar kaya’t agad namang nirespondehan.

Nang matunugan ng mga nagsusugal sa lamay ang presenya ng mga pulis ay nagsitakbuhan ang mga ito subalit naaresto pa rin ang limang suspek habang nakatakas naman ang ilan nilang kasama.

Nakumpiska sa pag-iingat ng mga suspek ang isang set ng baraha at pera na nagkakahalaga ng Php570.00.

Dinala ang mga nahuli sa himpilan ng pulisya maging ang mga nakuhang item para sa dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments