Sinuspinde ng Department of Health (DOH) ang lisensiya ng apat na laboratoryo matapos mabigong makapagsumite sa oras ng COVID-19 test results.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sinuspinde ang mga ito dahil sa patuloy na paglabag sa mandato na mag-submit ng mga datos sa itinakdang deadline ng ahensya.
Hindi naman aniya kabilang sa arawang COVID-19 tally ng DOH ang mga test result mula sa ilang laboratoryo na hindi nakapagsusumite sa oras ng mga datos nila.
Giit ni Vergeire, ang kabiguang ipaalam sa pamahalaan ang mga kaso ng COVID-19 ay maaaring parusahan sa ilalim ng Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Ang mga lalabag sa nasabing batas ay pagmumultahin, ikukulong, o babawian ng license to operate.