
Tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na reresponde sila sa loob ng limang minuto sa mga insidente sa kalsada matapos palakasin muli ang Hotline 136.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni MMDA General Manager Nicolas Torre III na anumang aksidente o aberya na ire-report sa Hotline 136 ay agad aaksyunan ng kanilang mga tauhan sa loob lamang ng limang minuto.
Sakop nito ang banggaan, gasgasan, tumirik na sasakyan, at iba pang emergency sa pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Kapag may natanggap na tawag, agad hahanapin ng CCTV operators ng MMDA ang kuha ng insidente sa kanilang mga camera.
Pagdating ng responders sa lugar, ibibigay ang kopya ng CCTV footage sa mga sangkot para maialis agad ang mga sasakyan sa gitna ng kalsada at hindi na lumala ang trapiko.
Ayon sa MMDA, may sapat silang tauhan na nakaantabay para tumulong sa mga motorista.
Para mag-report ng insidente, tumawag lamang sa (02) 136.










