
Mariing isinusulong ni Senator Loren Legarda ang agarang reporma sa institusyong depensa ng bansa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security na pinamumunuan ni Legarda, isinusulong dito ang Department of National Defense (DND) Transformation, Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization, at pagpapaigting sa serbisyo sa mga beterano ng bansa.
Ayon kay Legarda, lumilipas ang panahon at dapat na makasabay sa pagbabago ang ating defense institutions.
Paliwanag ng senadora, ang mga banta sa bansa ay hindi na lang nakakahon sa lupa at karagatan kundi nariyan na rin ang cyber intrusions, disinformation operations, at iba pang ‘gray zone’ tactics na sumusubok sa ating pagkakaisa at pambansang pagpapasya.
Mahalaga aniyang maging malinaw ang approached ng pamahalaan sa pagprotekta sa ating teritoryo sa pamamagitan ng pagpapalakas ng DND, pagmodernisa ng AFP at pagkilala sa mga nagsilbi sa bayan.










