5 miyembero ng investment scheme, arestado sa Davao del Norte

Arestado ang limang indibidwal na sangkot sa isang investment scheme sa Davao del Norte noong February 28.

Kinalala ang mga suspek na sina JP, at mga babae na sina Kat, alyas Jen, alyas Juls, at alyas Jojo, pawang mga residente ng Barangay Tibal-og, Santo Tomas, Davao del Norte.

Ayon Santo Tomas Municipal Police Station, naaktuhan na nangongolekta ng pera ang mga nasabing naaresto kahit wala silang permit mula sa Securities and Exchange Commission (SEC).


Lumalabas sa imbestigasyon na isang Daily-Profit Marketing Consulting Office ang nag-o-operate ng nasabing investment scheme na pagmamay-ari ng isang alyas Mario.

Nakuha mula sa mga suspek ang ilang kagamitan sa operasyon gaya ng record books, ballpen, stamp pad, calculator, marketing brochure, receipt stub, beauty products, at marami pang iba.

Habang nasabat din sa kanila ang ₱30,450 collection money, at ₱5,000 na marked money.

Kaugnay nito, kinumpirma ng SEC na hindi rehistrado ang nasabing opisina.

Napag-alamang ang mga naaresto ay aktibong miyembro sa nasabing marketing establishment.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 8799 o “Securities Regulation Act” ang mga suspek.

Facebook Comments