5 ospital, magsisilbing COVID-19 trial sites

Magsisilbing initial trial sites ang limang ospital sa Metro Manila at Cebu para sa paghahanap ng bakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Dr. Nina Gloriani, Chairperson ng vaccine expert panel na binuo ng Department of Science and Technology (DOST), ang mga trial sites ay ang Philippine General Hospital (PGH), Research Institute for Tropical Medicine (RITM), Manila Doctors Hospital, San Lazaro Hospital, at Vicente Sotto Medical Center.

Para maituring na clinical trial sites, kailangang mayroong mataas na transmission rate ng COVID-19 sa lugar.


Pero sinabi ni Gloriani na maaari pa ring masama ang iba pang ospital batay sa kanilang COVID-19 case rates.

Nasa 21 bakuna ang sumasailalim sa clinical trials habang 139 na iba pa ay nasa pre-clinical evaluation stage.

Sinabi naman ni Dr. Jaime Montoya, executive director ng DOST Philippine Council for Health Research and Development, gagawin sa preclinical studies ang laboratory testing at animal studies.

Sa ilalim ng Phase 1 ng clinical studies, susubukan kung ligtas at epektibo ang bakuna sa kakaunting tao, at ang Phase 2 ay palalawakin ang coverage nito sa marami pang tao para malaman ang kinakailangang dosage, at Phase 3 ay libo-libong pasyente na ang makakasubok nito.

Nasa 1,000 hanggang 5,000 volunteers ang inaasahang makikilahok sa trial partikular ang may may edad 18 hanggang 59, lalo na ang mga mayroong high risk tulad ng healthcare at frontline workers.

Ang trial ay itinakda para sa October 2020 hanggang March 2021 pero pinalawig pa ito hanggang September 2021.

Facebook Comments