5 patay, 5 sugatan kabilang ang isang sibilyan sa nagpapatuloy na bakbakan ng MILF at ISIS-inspired group sa Maguindanao!

Muli na namang sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng tropa ng Bangsamoro Islamic Armed Forces ng Moro Islamic Liberation Front (BIAF-MILF) sa bayan ng Datu Salibo, Maguindanao.
Sa panayam ng RMN-Cotabato kay Datu Salibo Municipal Police Station Investigator SPO2 Nasrula Gani, sinabi n’ya na alas 5:00 ng umaga kanina nang magsimulang magkaputukan ang Task Force Etihad ng MILF at ang pinaniniwalaang ISIS-inspired group na pinamumunuan ni Kumander Toraipe, breakaway group ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Tumagal ng halos isang araw ang naturang sagupaan na nagresulta sa pagkamatay ng 5 miyembro ng BIAF-MILF at ikinasugat ng 5 iba pa kabilang na ang isang sibilyan na tinamaan ng ligaw na bala, ang mga ito ay nagpapagaling na sa pagamutan samantalang agad namang inihatid sa huling hantungan ang mga nasawi bilang pagsunod sa kultura ng mga Muslim.
Mataandaang unang nagkasagupa ang BIAF-MILF at ang grupo ni Kumander Toraipe noong Agosto 2, 2017 sa Brgy Pusao, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao na ikinasugat ng 2 kasapi ng BIAF-MILF.
Magkasangga ngayon ang 6th Infantry Division ng Philippine Army at MILF sa pagsupil sa grupo ni Kumander Toraipe, pagpapakita umano ito ng commitment ng huli sa suporta nito sa nagpapatuloy na peace process.
Sa panig ng militar, nagsasagawa sila ng operasyon sa iba pang bahagi ng Maguindanao partikular sa SPMS box upang hindi makaalpas ang mga tinutugis na grupo ni Kumander Toraipe at upang maiwasang lumawak ang lugar ng sagupaan. (DAISY MANGOD-REMOGAT)

Facebook Comments