Cauayan City, Isabela- Upang maibsan ang pagkalugi ng mga magsasaka dahil sa Rice Tarrification Law ay nakatakdang magdagdag ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela ng limang piso (P5.00) sa presyo ng bawat kilong bibilhing palay.
Tinatayang aabot sa 900 marginalized farmers ang lumahok sa isinagawang orientation at membership seminar sa Lungsod ng Ilagan para maging miyembro sa itatayong “Super Coop” sa inisyatibo ni Gov.Rodito Albano III para matu gunan ang hinaing ng mga ito.
Ayon kay Ana Cristina Go, Chairperson ng Nagkaisang Magsasaka ng Isabela Agriculture Cooperative, para lamang umano sa mga miyembro ng Super Coop na may sinasakang dalawang ektarya pababa ang makikinabang sa dagdag na limang piso dahil umano sa pagkalugi ng mga ito sa mga nakalipas na anihan.
Kaugnay nito, bumalangkas ng programa para sa mga marginalized farmers ang pamunuan ni Gov.Albano kasama si Chairperson Go upang hiramin ang Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF mula sa Development Bank of the Phils. o DBP na isang daang milyong piso (P100-M) bilang authorized capital sa itatayong Super Coop.
Bawat miyembro ay mayroong share capital na Php.1,000 at membership fee na P200 kung saan dito kukunin ang SSS membership Insurance.
Sinabi pa ni Go, maliban sa dagdag na presyo ay pwede rin umanong mangutang ang isang miyembro ng puhunan sa pagsasaka na may kalakip na kasunduan at kondisyon.
Kung mabuo na ang 6,000 minimum na miyembro para sa itatayong kooperatiba ay ilalatag na nila ang kanilang konsepto para maka-utang na sa naturang bangko at masimulan na ang pagbili ng palay.