5 pulis, iimbestigahan kung nagkaroon ng iregularidad sa operasyon sa Maynila

Sisilipin ng Philippine National Police (PNP) kung nasunod ng limang pulis ang operational procedure sa kanilang operasyon sa isang computer shop sa Sampaloc, Maynila.

Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo matapos itanggi ng mga pulis ang akusasyon ng robbery-extortion laban sa kanila.

Sinabi ni Fajardo na kanilang titingnan kung nagkaroon ng maayos na koordinasyon ang limang pulis at kung mayroon silang pre-operational clearance sa nasabing operasyon.


Base sa salaysay ni Police Staff Sergeant Ryan Tagle Paculan sa pagsuko sa PNP National Headquarters sa Camp Crame kamakalawa, sinabi nito na lehitimo ang kanilang operasyon sa computer shop na nagsasagawa umano ng online casino bagama’t walang kaukulang permit.

Itinanggi rin niya na kinuha nila ang P40,000 at P3,500 laman ng kaha at ang hard drive ng CCTV ng computer shop.

Sa ngayon, hinihintay pa ng PNP ang resolusyon ng Manila Prosecutor’s Office sa kasong kriminal laban sa limang pulis.

Facebook Comments