5 Sugarol sa Cauayan City, Deretso sa Kulungan

Cauayan City, Isabela- Swak sa kulungan ang limang (5) sugarol matapos maaresto ng kapulisan dahil sa paglalaro ng Tong-its sa Brgy. Sillawit, Cauayan City, Isabela.

Nakilala ang mga nahuli na sina Michael Balantac, 31 taong gulang, walang asawa, magsasaka; Joven Cara, 49 taong gulang, traysikel drayber; Arnold Bugaoan, 42 taong gulang, traysikel driver; Shiela Del Rosario, 23 taong gulang at Ryan Jaronel, 26 taong gulang, vendor na pawang mga residente ng Purok 7 Barangay Sillawit.

Unang nakatanggap ng tawag ang himpilan ng pulisya mula sa isang concerned citizen na mayroong kumpulan ng ilang mga indibidwal na kasalukuyang naglalaro ng Tong-its sa nasabing barangay.


Agad namang tumugon at nagtungo ang tropa ng PNP Cauayan sa nabanggit na lugar na kung saan naaktuhan sa pagsusugal ang mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.

Nakumpiska sa lugar ang mga ginamit na baraha, mga upuan, lamesa at perang nagkakahalaga ng Php937.00.

Dinala sa himpilan ng pulisya ang mga nahuling sugarol kasama ang mga nakumpiskang ebidensya.

Pansamantalang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek habang hinihintay ang kasong isasampa laban sa kanila na paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling.

Facebook Comments