Mapapasabi ka na lang talaga ng “Ang asim!” o kaya’y mapapangiwi ka sa tuwing nakakatikim o nakaka-amoy ng suka o vinegar. Kadalasan lang itong pinangtitimpla sa ating mga paboritong putahe tulad ng paksiw at adobo, ngunit alam niyo ba na ang suka ay may malaking maitutulong din sa gawaing bahay? Ito ang asim na nakakalinis!
Panlinis ng bintana
Kung ang bintana sa ating bahay ay gawa sa salamin, ang suka ang pinakamabisa at pinakamurang panglinis nito. Ang suka ay mabisang pantanggal ng germs dahil sa taglay nitong acetic acid. Paghaluin lamang ang suka at tubig, gamitan ng basahan at tiyak na wipe out ang stains sa inyong bintana.
Pantanggal ng grasa
Kadalasan makikita ang grasa sa ating kusina. Ito’y nasa grills ng ating stove at sa paligid nito. Kung puro grasa at tulo ng nilutong pagkain ang ating kalan, panahon na para linisin ito gamit ng suka. Paghaluin lamang ang suka at tubig, gamitin ang basahan panlinis nito para tiyak na may grease-free ka ng kalan na mukhang bago.
Pantanggal ng bara sa tubo
Nababagot ka na ba kahihintay bumaba ang tubig dyan sa lababo at banyo niyo? Bago pa ito tuluyan magbara, buhusan na ito ng suka. Lagyan lamang ng isa’t kalahating cup ng asin ang dalawang cup ng kumukulong suka at ibuhos ito sa mabagal niyong drains. Pagkatapos ay buhusan ito ng mainit na tubig tsaka isunod ang malamig na tubig, tiyak na mas bibilis na ang dati niyong mabagal na drains!
Pantanggal kalawang
Nangangalawang na ba ang mga bakal na parte ng inyong bahay? Subukan itong alisin gamit ang suka. Buhusan lamang ng suka ang nangangalawang na bahagi at ibabad sa loob ng isang oras, kuskusin ito gamit ang steel wool. Gamit ang sukang puti, ang bakal ay magiging rust-free.
Get rid of smoke odor
Katatapos niyo lang ba magluto ng tuyo, danggit o kung ano pang pagkain na mabaho ang amoy? O ayaw niyo ng amoy ng sigarilyo sa loob ng bahay? Para matanggal ang mga natirang amoy, maglagay ng puting suka o cider vinegar sa isang bowl. Ilagay lamang ito sa parte ng inyong bahay na pinakamalakas ang amoy at goodbye smoky odor na.
Article written by Hannah Rebultan
Facebook Comments