5-YEAR BUSINESS PLAN PARA SA MODERNISASYON NG 14 GOVERNMENT-RUN HOSPITALS SA PANGASINAN, INILATAG

Inilatag ng Provincial Hospital Management Services Office (PHMSO) ang mga hakbang para sa modernisasyon ng mga pampublikong pagamutan sa lalawigan, bilang bahagi ng programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan na gawing economic enterprises ang mga provincial hospitals.

Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan, layunin ng inisyatibang ito na mapabuti ang operasyon, palawakin ang serbisyong medikal, at matiyak na abot-kaya at dekalidad ang pangangalagang pangkalusugan para sa lahat ng Pangasinense.

Kabilang sa mga tinalakay sa pagpupulong ng PHMSO at mga kinatawan mula sa 14 na government hospitals ang pagpapatupad ng limang-taong business plan para sa hospital development at ang pagbuo ng feasibility study para sa mga proyektong pangkalusugan.

Nakasaad sa mga plano ang pagtatatag ng mga specialty hospital para sa puso, kanser, kalusugan ng ina at bata, at rehabilitasyon upang higit na matugunan ang pangangailangan ng mga pasyente sa iba’t ibang larangan ng kalusugan.

Dagdag pa, patuloy na ipatutupad ang “Zero Balance Billing” policy upang matiyak na walang pasyenteng maiiwan dahil sa kakulangan sa pinansyal na kakayahan.

Inaasahan ng Pamahalaang Panlalawigan na magdudulot ang mga hakbang na ito ng mas epektibong serbisyo, maayos na pamamahala, at mataas na kalidad ng pangangalaga sa mga pampublikong ospital sa lalawigan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments