50 health workers sa isang ospital sa Olangapo, naka-quarantine matapos na ma-expose sa pasyenteng may COVID-19

Naka-quarantine ngayon ang nasa 50 health workers matapos na direktang makasalamuha ang pasyenteng may COVID-19 sa isang ospital sa Olongapo City.

Ang 50 health workers ay kinabibilangan ng 17 doktor at 32 nurse na nagtatrabaho sa James L. Gordon Memorial Hospital (JLGMH).

Sa ulat ng National Task Force COVID-19, ang 50 medical workers ay nakatakdang i-swab test habang sumasailalim sa 14 days quarantine.


Sa ngayon, apektado ang operasyon ng ospital kung saan nasa 25 to 35 percent lamang ang manpower.

Nakasara rin ngayon ang dalawang room ng surgery ward, medical ward at buong dialysis center ng ospital para sa disinfection.

Ang pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 ay unang tumungo sa ospital noong August 13 at pangalawang beses na pumunta ay noong August 15, 2020 para magpa-dialysis at sinabay ang swab test.

Kahapon, lumabas ang resulta nang swab test at natukoy na postibo ito sa COVID-19.

Facebook Comments