50% ng mga pasyenteng naka-confine sa mga ospital, mild cases lamang ng COVID-19

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na 50% ng mga naka-admit sa ospital ay mga pasyente na may mild ang sintomas ng COVID-19 o kaya ay asymptomatic o walang sintomas.

Sinabi ni Health Spokesperson Usec. Ma. Rosario Vergeire na ito ang kanilang natuklasan matapos ang pag-iikot ng One Hospital Command sa pangunguna ni Health Usec. Leopoldo Vega.

Bukod aniya sa mga mild at asymptomatic ay kasama rin sa mga nasa ospital ang mga may sintomas na suspected at probable cases ng COVID-19 na naghihintay ng resulta ng kanilang RT-PCR.


Sinabi ni Vergeire na ito ang dahilan kaya’t tinitingnan nila ang mga isolation facilities na puwedeng paglipatan ng mga pasyenteng asymptomatic.

Tinitingnan din ng DOH kung sumusunod ang mga ospital sa direktiba na kailangang maglaan ang mga pampublikong pagamutan ng 50% ng kanilang mga kama para sa COVID patients at 30% naman para sa mga pribadong ospital.

Facebook Comments