Manila, Philippines – Tinututulan ng Makabayan sa Kamara ang pagtapyas ng Department of Budget and Management sa pondo ng 50 ospital para sa susunod na taon.
Aabot sa mahigit 1.5 Billion ang ibinawas sa budget ng mga ospital ng gobyerno para sa 2018.
Sa mga government hospitals, pinakamalaking binawasan ay ang Amang Rodriguez – 44% , East Ave Medical Center – 22%, Quirino Memorial Medical Center – 34%, San Lazaro Hospital – 26%, San Lorenzo Ruiz Special Hospital For Women – 43% at Valenzuela Hospital – 47%.
Ikinakatwiran ng DBM na “under utilization” ang budget ng mga tinapyasan na pondo ng mga government hospitals.
Kinukundina ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang hakbang na ito ng gobyerno.
Sinabi ni Zarate na hindi uubra ang katwiran ng DOH na hindi nagagamit ng husto ang pondo ng mga ospital dahil mismong sila ay nakakatanggap ng balita na maraming pagamutan ang nangangailangan ng mataas na budget.
Giit ni Zarate, dapat na ibalik ang ibinawas sa alokasyon ng mga ospital na ito at dagdagan pa nga.
Katwiran ng kongresista, frontline hospitals ang mga ito na nagseserbisyo sa mahihirap kaya hindi katanggap-tanggap na damay pa ang mga ito sa binawasan ng pondo sa gobyerno.