
Nagpapa-alala ang Maritime Industry Authority (MARINA) sa lahat ng shipping company na sumunod sa inilatag na patakaran bago magpatupad ng dagdag singil sa pamasahe at kargamento.
Sa pahayag ni Marina Spokesman Dir. Lusito Delos Santos, obligasyon ng mga shipping company na magpasa muna ng abiso sa kanilang tanggapan at publiko.
Batid ni Delos Santos na kahit regulated ang transportasyon sa karagatan sa bansa, dapat magkaroon muna ng 14-days notice ang mga kompaniya bago magpatupad ng taas-singil.
Kaugnay nito, binabantayan ng MARINA ang anumang price adjustment sa mga shipping company upang matiyak na patas ang kumpetisyon at hindi maabuso ang mga pasahero.
Sa ngayon, tanggap ng MARINA ang hirit na 17-20 percent na dagdag singil sa pamasahe bunsod na rin ng pagtaas ng predyo ng produktong petrolyo.
Pero, binalaan nila ang mga kompaniya na lalalagpas sa itinakdang dagdag singil na maaari silang mananagot sa ilalim ng patakaran ng Marina.










