50-taon gulang na sloth sa Germany, naitalang pinakamatanda sa mundo

Paula with her keeper, Jutta Heuer. PHOTO: Guinness World Records

Nagdiriwang ngayon ang isang zoo sa Germany para sa bagong record-holder na si Paula na itinanghal na pinakamatandang two-toed sloth sa mundo.

Sa edad na 50, naitala sa Guinness Book of Records si Paula na mula sa Halle Zoo sa Central Germany.

Ayon kay Jutta Heuer, zoo keeper at tagapangalaga ng mga sloth, sila na mismo ang nag-apply para sa record ni Paula bago ang World Sloth Day sa Oktubre 20.


Nauna nang naging laman ng mga balita ang naturang sloth nang magdiwang ito ng ika-50 kaarawan at handaan ng paborito niyang mais at gulay.

Nasa dalawang taong gulang daw si Paula, ayon sa mga bantay nito, noong dinala sa Halle mula sa South Africa at sa higit 20 taon ay inakala nilang lalaki ito.

Noong 1995 lamang nadiskubre na babae ang sloth nang isalang ito sa ultrasound.

Mayroong 25 na sloth sa mga zoo sa Germany at 266 sa iba pang parte ng Europe, ayon sa official tally.

Maaaring mabuhay ng 20 taon ang mga two-toed sloth sa ilang at 30 hanggang 40 taon naman sa zoo.

Sa kabila ng edad na katumbas na raw ng halos 90 taon sa edad ng tao, masigla pa rin ang sloth na si Paula.

Facebook Comments