Aabot sa 5,000 pulis ang ipakakalat ng Philippine National Police (PNP) sa buong Metro Manila sa Lunes, July 27, 2020.
Ito ay sa harap na rin ng mga isasagawang kilos-protesta ng iba’t ibang grupo kasabay ng pagbibigay ng ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, bukod sa kamaynilaan, inaasahan din ang mga rally sa Central Luzon, CALABARZON, Region 6 at sa Bicol Region.
Umapela naman ang PNP sa mga magsasagawa ng kilos-protesta na kumuha muna ng permit sa mga local government unit (LGU) at sumunod sa health protocols.
Giit ni Banac, dapat na igalang ng mga raliyista ang mga effort ng mga LGU sa paglaban sa COVID-19.
“Igalang po natin ang efforts ng LGU sa paglaban sa COVID-19. Kung magsasagawa po ng kilos-protesta, makakabuti po na sumangguni muna sa LGUs. Pero kung hindi naman sila talaga kumuha ng mga permit nila, lalabagin nila yang mga ordinansa na ‘yan, maximum tolerance pa rin an gating ipapairal. Tayo ay makikiusap, makikipagdayalogo na kung maaari ay, to peacefully disperse dahil wala po silang permit,” ani Banac.