Hindi magdadalawang-isip ang pamahalaan na ibalik sa China ang donasyon nitong 600,000 doses ng COVID-19 vaccines kung hindi maaprubahan ng Food and Drug Administration ang kanilang Emergency Use Authorization (EUA).
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, kahit pa donasyon ito, kailangan pa ring makapasa sa evaluation at pag-aaral ng FDA at vaccine expert panel.
Inihalimbawa ni Roque ang Indonesia na kahit natanggap na ang mga donasyong bakuna mula China ay naghintay pa rin ang mga ito ng isang buwan bago ginamit ang bakuna dahil kinailangan munang maglabas ng EUA ang kanilang regulatory authority para sa bakuna.
Gayunpaman, nilinaw ni Roque na ang mga ido-donate na bakuna ng China ay aprubado at may EUA na galing sa ibang mga bansa.
Ibig sabihin, hindi na mahihirapan pa ang sarili nating FDA para aprubahan ang EUA ng Chinese vaccines dito sa bansa.
Sa ngayon, tanging ang Pfizer at AstraZeneca pa lamang ang mayroong aprubadong EUA galing sa FDA.