500,000 doses ng Sinovac at paunang 15,000 doses ng Sputnik V darating bukas sa bansa

Darating bukas sa bansa ang karagdagan pang doses ng Sinovac at paunang bakuna naman ng Sputnik V.

Sa pagharap ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., sa pagdinig ng House Committees on Health at Trade and Industry, nasa 500,000 doses ng Sinovac at paunang 15,000 na doses naman ng Sputnik V ang darating bukas sa bansa.

Ayon kay Galvez, ang paunang batch ng Russian COVID-19 vaccine ay bahagi ng rollout trial.


Pagsapit naman ng April 29 ay may darating pa ulit na suplay ng Sputnik V na nasa 480,000 doses.

Inaasahan naman na sa katapusan ng Abril ay darating na rin sa bansa ang 195,000 doses na COVID-19 vaccines ng Pfizer.

Sa second quarter ng taon o hanggang Hunyo ay inaasahan pa ang pagdating ng dagdag na suplay ng bakuna mula Sinovac, Sputnik V ng Gamaleya, Pfizer, Moderna at AstraZeneca.

Samantala, umabot na sa 1.353 million na mga Pilipino ang nabakunahan mula sa 1,562,563 na bakunang naibigay sa bansa.

Sa naturang bilang, ang nakatanggap ng unang dose ay nasa 989,703 na A1 priority list, 132,948 ang nasa A2 at 180,315 mula sa A3 category.

Mayroon namang 209,456 mula sa A1 category ang nakatanggap ng 2nd dose.

Facebook Comments