51-anyos nanay, humukay ng lagusan sa tangkang palayain ang anak sa kulungan

900

Arestado ang isang 51-anyos na ginang sa Ukraine matapos mahuling naghuhukay ng lagusan para patakasin ang anak na bilanggo.


Sinintensyahan ng habambuhay na pagkakakulong ang anak ng ginang sa kasong murder, ayon sa TV station na TSN via Daily Mail noong Martes.

Batay sa ulat, nangupahan ang ina malapit sa bilangguan saka patagong naghuhukay gabi-gabi.

Gamit ang pala at piko, nagawa nitong humukay ng lagusang 10 talampakan ang lalim at 35-talampakang haba hanggang sa pader ng bilangguan.

Tinatapon naman ng ginang sa malapit na bakanteng garahe ang nahukay na lupa na umabot na sa higit tatlong tonelada.

Naaresto ang nanay matapos ang tatlong linggo nitong palihim na paghuhukay.

Hinala ng isang residente, laki sa pamilya ng minero ang ginang.




“To dig three meters deep would be hard enough. She had no excavator or anything of the kind,” sabi ng residente.

Dahil dito, nahaharap na rin sa pagkakakulong ang ina.

Facebook Comments