Naitala ang pinakamataas na heat index sa Dagupan City, Pangasinan.
Ayon sa DOST-PAGASA, pumalo sa 51.7°C ang heat index kahapon, alas-2:00 ng hapon at itinuturing itong “dangerous level”
Sumunod ang Cuyo, Palawan (46.2°C) at Tuguegarao, Cagayan (43.5°C).
Sa depinisyon ng state weather bureau, ang heat index ay ang init na nararamdaman ng isang tao kapag nakakaapekto ang temperatura sa katawan nito.
Nalalaman ang index base sa taas ng air temperature at humidity.
Mapanganib ang heat index na umaabot sa 41 hanggang 54 degrees Celsius dahil mataas ang tiyansang magkaroon ng heat cramps, heat exhaustion at posible rin ang heat stroke.
Pinapayuhan ang publiko na iwasang magbabad sa araw mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon at dalasan ang pag-inom ng tubig.