Cauayan City, Isabela- Positibo sa COVID-19 ang limampu’t isang (51) indibidwal mula sa Lalawigan ng Isabela.
Sa pinakahuling update ng Department of Health (DOH) Region 2 ngayong araw ng Linggo, Enero 10, 2021, aabot sa 51 ang nagpositibo sa COVID-19 na naitala lamang sa loob ng isang araw kung saan labing siyam (19) rito ay naiulat sa Lungsod ng Ilagan; labing lima (15) sa Lungsod ng Cauayan; tig-apat (4) sa bayan ng San Mariano at Gamu; tig-dalawang (2) kaso naman sa mga bayan ng Reina Mercedes, Quirino, Delfin Albano at Lungsod ng Santiago habang isa (1) naman ang naitala sa bayan ng Luna.
Gayunman, labing lima (15) ang naitalang gumaling sa COVID-19 na nagdadala sa kabuuang bilang na 2,996.
Lalong tumaas sa bilang na 439 ang naitalang aktibong kaso ng COVID-19 sa Isabela.
Nananatili naman sa 48 ang bilang ng mga nasawi na positibo sa nasabing virus.
Mula sa 439 na aktibong kaso, isa (1) rito ay Returning Overseas Filipino (ROFs); apat (4) ay Non-Authorized Persons Outside Residence (Non-APORs); dalawampu’t siyam (29) na healthworker; tatlumpu’t isang (31) pulis; at 375 na Local Transmission.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang contact tracing ng mga kinauukulan para sa mga taong direktang nakasalamuha ng mga bagong nagpositibo.