Apektado ngayon ang 52 pulis sa Bicol Region at Eastern Visayas matapos na masira ang kanilang bahay dahil sa hanging dulot ng bagyong Tisoy.
Ito ang kinumpirma ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac.
Aniya, 2 pulis na nasira ang bahay ay naitala sa Bicol Region habang 50 pulis na partially damaged ang bahay ay sa Eastern Visayas.
Tiniyak naman ni Banac na mabibigyan ng financial assistance ang mga pulis para mapaayos ang kanilang bahay.
Binibigyan aniya ang mga ito ng mababang interes sa Calamity loan at may makukuha rin tulong sa PAGIBIG at GSIS.
Bukod sa mga nasirang bahay ng mga pulis, nabasag din ang salamin ng Sorsogon Provincial Police Office kaya binaha ang kanilang tanggapan.
Sa ngayon, patuloy na nakikipagtulungan ang PNP sa Local Government Unit at mga Local DRRMO para sa ginagawang pre-emptive evacuation.
Batay sa huling monitoring ng PNP, mayroon nang 7,721 pasahero at 1,612 na sasakyan ang estranded sa Bicol Region partikular sa Matnog, Sorsogon.