54th ASEAN Foreign Ministers’ Meeting, kasado na sa August 2

Kasado na ang isasagawang 54th ASEAN Foreign Ministers’ Meeting (AFMM) na magaganap bukas, August 2 hanggang August 6, 2021.

Nakatakdang dumalo rito si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin Jr. kung saan ilan sa mga itataas na isyu ay ang pantay na karapatan sa bakuna, pagbangon dahil sa epekto ng COVID-19 at ang isyu sa South China Sea.

Maliban sa 54th AFMM, nakatakda ring ganapin ngayong buwan ang ASEAN Foreign Ministers’ Meeting Interface kasama ang ASEAN Intergovernmental Commission on Human Rights Representatives, Meeting of the Southeast Asia Nuclear Weapon-Free Zone Commission, 23rd ASEAN Political-Security Community Council Meeting, 29th ASEAN Coordinating Council Meeting at iba pa.


Limang virtual ministerial meetings naman ang dadaluhan ni US Secretary of State Antony Blinken na may kinalaman sa ASEAN, ito ay ang; US-ASEAN, East Asia Summit (EAS), ASEAN Regional Forum (ARF), Mekong-US Partnership at Friends of the Mekong ministerial meetings.

Ilan naman sa mga isyung nais pag-usapan ni Blinken ay ang kahalagahan ng agarang pagresponde sa problema ng mundo at ang climate crisis.

Inaasahang maisasama rin sa pag-uusapan ang military coup sa Myanmar at ang panawagan sa ASEAN na gumawa na ng aksyon upang masugpo ang karahasan sa nasabing bansa at mapalaya ang mga ikinulong na wala namang kasalanan.

Facebook Comments